Halos 100% ng mga estudyante ng QCU bakunado na!
Mahigit 87% ng mga estudyante ng Quezon City University ang fully vaccinated. Pitong porsyento naman ang naghihintay na ng kanilang second dose. Sa QCU, panatag ang kalusugan ng bawat mag-aaral.
Ayon sa isinigawang census ng QCU sa vaccination status ng mga mag-aaral ng pamantasan, mahigit sa 9,064 ng 10,370 o 87.41% na mga estudyante ang fully vaccinated, samantalang 683 o 6.59% ang partially-vaccinated o naka-first dose na.
Higit na mataas ang bilang na ito sa national vaccination rate na nasa humigit 54% ng total population sa bansa na nakakumpleto na ng kanilang bakuna batay sa datos ng Department of Health.
Naabot ang mataas na bilang ng mga bakunada sa QCU ito dahil na rin sa pagsusumikap ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa pangunguna ni Mayor Joy Belmonte. Pinangunahan din ni Mayor Belmonte, Commission on Higher Education Chairman Prospero “Popoy” de Vera III at QCU President Dr. Theresita Atienza ang pagsasagawa ng mga vaccination campaigns sa QCU para masigurong magkakaroon ng access sa bakuna ang mga mag-aaral ng unibersidad. Sa katunayan, anim na beses na nagsagawa ng vaccination drive hindi lamang para sa mga mag-aaral ng pamantasan. Maliban pa ito sa mga vaccination drive para sa mga guro at empleyado ng QCU. Tunay na panatag ang kalusugan ng bawat mag-aaral sa QCU na sandigan ng ating kinabukasan.