Be Your Own Boss Training Program, sinimulan na sa QCU

SDG 4 8 10

Pinangunahan ng Quezon City University sa tulong ng QC Small Business and Cooperatives Development Promotions Office (QC SBCDPO) at USAID Opportunity 2.0 ang pagsasagawa ng “Be Your Own Boss (BYOB): QC Youth Entrepreneurship Training Program for the OSY” para sa  45 na Out-of-School Youths (OSYs) mula sa Barangay ng Bagbag, Gulod at Sta. Lucia, noong Hunyo 9, 2023.

Sa isang programang ginawa sa Laboratory Building, QCU San Bartolome Campus, opisyal na binuksan ang programa sa pangunguna ni Dr. Theresita V. Atienza, Pangulo ng QCU, na binigyang-diin ang halaga ng pagsasagawa ng mga programang makatutulong sa pag-angat ng mga kabataan, lalo na ng mga OSYs sa lungsod.

“Sabi nga ng ating butihing Mayor Joy Belmonte dapat sama-sama tayo sa pang-angat…kasi ang future ng Quezon City ay nasa inyo [kabataan], kayo talaga ang boss dito,” saad ni Dr. Atienza.

Ibinahagi rin ni Ms. Mona Celine Marie V. Yap, Punong-tagapangasiwa ng QC SBCDPO, ang mga benepisyo na matatanggap ng mga kalahok sa BYOB program, lalong-lalo na ang inisyal na puhunan sa pagtatayo ng kanilang sariling negosyo sa tulong ng Pangkabuhayang QC.

Dumalo rin sa naturang programa sina Ms. Hazel Duya ng Education Development Center at Mr. Albert Yohanon mula sa QC SBCDPO.

Ang BYOB QC Youth Entrepreneurship Training for the OSYs ay isang four-session training program na naglalayong bigyang kaalaman at kakayanan ang mga OSYs na magplano at magtayo ng mga negosyong makatutulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.  Ang unang araw ng training ay matagumpay na naisagawa sa pangunguna ng QCU Extension Management Office – Community Engagement Unit (EMO-CEU) at Day 1 Trainer, Ms. Maricris Fernandez, na tumuon sa mga mahahalagang konsepto ng pagnenegosyo.

Similar Posts