Be Your Own Boss Training matagumpay na naisagawa ng QCU

SDG 4 8 10

Matagumpay na pinangunahan ng Quezon City University sa tulong ng QC Small Business and Cooperatives Development Promotions Office (QC SBCDPO), USAID, at Education Development Center (EDC) ang pagsasagawa ng “Be Your Own Boss (BYOB): QC Youth Entrepreneurship Training Program for the OSY” para sa  45 na Out-of-School Youths (OSYs) mula sa Barangay Bagbag, Gulod at Sta. Lucia, noong Hunyo 9, 16, 23, at 30 2023.

Opisyal na binuksan ang programa noong Hunyo 9, 2023, sa pangunguna ni Dr. Theresita V. Atienza, Pangulo ng QCU, na binigyang-diin ang halaga ng pagsasagawa ng mga programang makatutulong sa pag-angat ng mga kabataan, lalo na ng mga OSYs sa lungsod.

“Sabi nga ng ating butihing Mayor Joy Belmonte dapat sama-sama tayo sa pang-angat… kasi ang future ng Quezon City ay nasa inyo [kabataan], kayo talaga ang boss dito,” saad ni Dr. Atienza.

Ang BYOB QC Youth Entrepreneurship Training for the OSYs ay isang four-session training program na naglalayong bigyang kaalaman at kakayanan ang mga OSYs na magplano at magtayo ng mga negosyong makatutulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. 

Ang unang araw ng training ay pinangunahan ni Ms. Maricris Fernandez, na tumuon sa mga mahahalagang konsepto ng pagnenegosyo. Pinangunahan naman nina Ms. Gemma G. Enriquez, Mr. Lenard F. Bien, at Ms. Aura Rose L. Cueva ang talakayan tungkol sa Characteristics of a Successful Business Owner, Business Idea, at Customer Service. Ang pagsasanay na ito ay naglalayong hubugin ang kakayahan at abilidad ng  mga OSYs na bumuo at magtayo ng sariling negosyo.

Noong Hunyo 23, 2023, tinalakay naman nina Mr. Angelito P. Bautista Jr., Ms. Rhizza T. Sequitin, at Mr. Ruben Jose G. Sanchez ang mga mahahalagang konsepto sa pagbubuo ng business plan, mga aspekto ng market research, at kung paano i-manage ang mga financial matters ng isang negosyo.

Highlight naman ng huling araw ng pagsasanay noong Hunyo 30 ang presentasyon ng mga business plans ng limang grupo mula sa 46 na OSYs mula Barangay Gulod, Bagbag, at Sta. Lucia.

Nagsilbing panel of reviewers sina Ms. Mona Celine Marie Yap, Mr. Paulo Borres, at Mr. Alberto Yohanon ng QC SBCDPO, Ms. Josephine Kusain ng Education Development Center (EDC), Prof. Geraldine S. Adlawon, Chairperson ng QCU Entrepeurship Department, at Mr. Ruben Jose G. Sanchez, Acting Director ng QCU Extension Management Office.

“Bukod sa ipinagkaloob na pagkatataon sa ating mga BYOB na mai-present ang kanilang business ideas, ang presentation na ito ay malaking tulong para mas mapaganda pa ang mga business plans ng ating mga OSYs para makamit nila ang tagumpay,” ani Mr. Sanchez.

Matapos ang business presentation, iginawad naman ang mga certificates of recognition sa mga nagtapos na kalahok at maging sa mga trainors at organizers na naging bahagi ng program. Pinangunahan nina Ms. Mona Celine Marie Yap, Mr. Alberto Yohanon, at Mr. Paulo Borres mula sa QC Small Business and Cooperatives Development Promotions Office (QCSBCDPO), at Mr. Lenard Bien ng QCU-EMO-Community Management Unit, ang awarding ng mga certificates.

Sa kanyang mensahe, idiniin ni Ms. Yap ang halaga ng BYOB bilang isang programang patuloy na ibibigay ng lokal na pamahalaan

“Ito po ay tulong sa inyo ng QC talaga, hindi nyo po ito ibabalik sa amin. Ang gusto lang po namin na ibalik nyo sa amin ang inyong pagiging successful entrepreneur. Committed ang QC na tulungan ang mga OSYs na maging mga negosyante sa pamamagitan ng Pangkabuhayang QC.”

Ang BYOB entrepreneurship training program ay tulong-tulong na inorganisa ng QC SBPDO, QCU Research, Extension, Planning and Linkages – Extension Management Office, USAID Opportunity 2.0, at Education Development Center. Kabuuang 46 na mga OSYs mula sa Barangay Gulod, Bagbag, at Sta. Lucia ang nagtapos sa naturang programa.

Similar Posts